Tandang tanda ko pa noong bata pa ako
- Jan 17, 2020
- 3 min read

Tandang tanda ko pa noong bata pa ako isa kami sa medyo nakakaangat sa lugar namin. Mayroon kaming colored TV, home sound system, may Betamax player ,hanggang sa naging VHS na ang uso at kami ang sinehan ng bayan. Laging may nakikinood sa TV namin at minsan nagrerent kami ng bagong pelikula at inaannounce namin sa mga kapitbahay kung kailan at anong oras namin ipapalabas. Kadalasan nga pinag uusapan pa namin kung ano ang gusto nilang pelikula at anong oras ipapalabas para lahat ay makakanood. Laging puno ang bahay namin noon!! Aba!! Magyaya ka ng isa, lahat ng kapatid, pamangkin, pinsan ay kasama sa panonood!! Tandang tanda ko pa noong bata pa ako kami ng kuya ko ang mga alalay ni mama sa pagtitinda, sa pagpapaypay ng barbecue at kung ano ano pang inihaw, tagabalaot ng yema at iba pang paninda. At syempre kami rin ang mga unang kliyente araw araw!! Ahahaha Tandang tanda ko pa, ako at ang kuya ko ang mga bantay sa bunso naming kapatid na sobrang likot. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako hindi pwedeng hindi ako papasok sa daycare school at ang kuya ko lang ang papasok at maiiwan ako sa bahay. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako lagi kaming sinusundo ni papa o ng tita o ng lolo o lola namin sa school mula daycare, kinder, hanggang sa mga unang taon ng elementary. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako na kapag isa sa aming magkakapatid ay nakakatulog sa salas habang nanonood ng tv, hindi na ginigising ni papa o ni lola. Kinakarga na lang paakyat sa higaan at iyong hindi tulog ay aakyat ng hagdan habang kapit ni papa sa kamay o nakakakapit sa short niya. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako tuwing hapon nasa parke kaming magkakapatid. Mamimitas ng bulaklak o kukuha noong bunga ng damo na kung tawagin namin ay paputok kasi pag inilagay namin sila sa tubig ay pumuputok. O maglalaro kami ng basketball o sa mga slides, seesaw, duyan, o iyong parang merry-go-round kasama si papa.

Tandang tanda ko pa kung paano ako inalalayan ni papa no’ng unang beses na sumakay ako sa pinakaiingatan niyang bike. Habang nagpepedal ako nandoon siya sa likod at inaalalayan ako. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako kapag kumakanta ako bigla na lang akong nakakarinig ng boses na nakikihimig sa kanta habang itinatama tono ng pagkanta ko. Si papa. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako lagi akong sumisimba. Minsan kasama si papa, minsan kasama ng mga lola. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako pag uwi ng lola namin galing sa pagsimba laging may pasalubong na puto o kutsinta o suman o ‘yung mga sapinsapin na sobrang paborito ko. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako ang daming bawal!!!! Ang daming paalala!! Ang daming bantay!! Tandang tanda ko pa noong bata pa ako lagi kaming gumagawa ng sulat na ipapadala kay mama tuwing may kaibigan siyang babalik sa Italia. Pati mga voice tapes!! Ang dami namin no’n!!
Tandang tanda ko pa noong bata pa ako kapag umuuwi kami ng bahay galing eskwelahan may sumasalubong sa amin sa bahay. Si papa, lola, lolo, mga tito, tita, mga pinsan. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako palagi kaming sabay-sabay kumain. Kahit sardinas lang o bislad ang ulam masaya na kami! At habang nagliligpit si mama ng mga pinggan, nasa kusina rin kami ni papa at mga kapatid ko. Nagkukulitan. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako magkakatabi kaming matulog, ako, mga kapatid ko, at mga magulang namin. Tandang tanda ko pa noong bata pa ako buo pa ang pamilya ko….

Are you an aspiring writer or just someone who wants to express their thoughts and tell their stories?
Message us and submit your stories and articles, we can publish them anonymously or you can join and become one of the authors!
Comments